Recent News
PRESS RELEASE (November 26, 2009)
ILLEGAL ANG PAGPUTOL NG KURYENTE
IKAW AT ANG BATAS
Ni Atty. Jose C. Sison
Pilipino Star Ngayon
November 26, 2009
KASO ito ng Meralco at ng biyudang si Gilda. Mula nang mamatay ang asawa niya noong Oktubre 1990, patuloy na nanirahan si Gilda, ang kanyang anak na babae, limang apo at isang katulong sa bahay nila sa Calumpit, Bulacan. Pareho pa rin ang kontrata ng serbisyo nila sa Meralco mula noong nabubuhay pa ang kanyang asawa hanggang kahit sa namatay na ito. Ang konsumo nila ng kuryente ay umaabot ng mula 578 hanggang 721 kwh o nagkakahalaga ng dalawa hanggang tatlong libong piso kada buwan. Ngunit noong Abril 16, 1999 hanggang Mayo 18, 1999, tumaas ang konsumo nila Gilda at naging P7,793.60 ang pinababayaran ng Meralco. Kaya napilitan si Gilda na magprotesta at humingi ng imbestigasyon at refund. Noong Hulyo 1999, nag-inspeksIyon ang Meralco, Malolos branch. Napag-alaman na sira ang metro. Pinalitan ang metro ngunit hindi binigyan ng refund si Gilda.
Noong Enero 2000, muling nag-inspeksyon ang Meralco ngunit walang nakitang tampering sa metro. Noong Marso 10, 2000, matapos mag-inspeksyon, nakita diumano ni Cruz, Meralco inspector, kasama ang dalawa pang inspector ang isang self-grounding wire na nakakabit sa metro sa labas ng gate ng bahay. Ito raw ang ginagamit upang hindi marehistro sa metro ang konsumo ng kuryente. Kaya agad pinutulan ni Cruz ng kuryente ang bahay ni Gilda at gumawa ng notice of disconnection na pinapirmahan sa kanya. Ayon sa ulat, isang pulis mula sa Caloocan City, si PO2 Chavez ang kasama nila sa inspeksyon kahit walang written order mula sa kanyang istas-yon. Hindi rin sila nakipag-usap sa mga pulis ng Calumpit. Siningil din ni Cruz si Gilda ng differential billing na umaabot ng P65,819.75.
Nang araw ding iyon, nagsampa ng protesta si Gilda sa Meralco, Malolos Branch at sa main office sa Ortigas Ave. Ayon sa kanya, ang ginawang inspeksyon ng metro ay hindi ipinaalam sa kanya at hindi hiningi ang kanyang pahintulot. Hindi rin daw nakita ng kanyang mga kapitbahay ang ginawang inspeksyon at wala siyang nakitang pulis na nakauniporme sa oras ng inspeksyon.
Ngunit pinagbatayan ng Meralco ang ulat ni Cruz at nagpadala ng sulat kay Gilda, naniningil ng differential billing na umaabot ng P385,467.10 alinsunod sa kontrata nila at sa batas R.A. 7832.
Noong Abril 4, 2000, nagsampa ng reklamo sa korte si Gilda laban sa Meralco. Humihingi siya ng danyos sa nangyari. Ibinasura ng korte ang kaso at pinag-utos na bayaran ni Gilda ang halagang P65,819.75. Nang umapela sa Court of Appeals, nabaliktad ang desisyon. Isinantabi ang desisyon ng korte at ang Meralco ang inutusan ng CA na magbayad kay Gilda ng P100,000 (moral damages), P50,000 (exemplary damages) at P20,200 (attorney’s fees) dahil pinutulan nito si Gilda ng kuryente ng hindi dumadaan sa kaukulang proseso ng batas. Tama ba ang CA?
TAMA. Ang daliang pagputol ng kuryente ay pinapalagay na legal lamang kapag may isang awtorisadong alagad ng batas o di-kaya’y isang kinatawan ng Energy Regulatory Board). Dito sa kaso, si PO2 Chavez na nakasaksi raw at nagpapapatunay sa naganap na inspeksyon sa Calumpit, Bulacan ay isang pulis na nakadestino sa Caloocan City. Hindi siya nakapagpakita ng kahit anong kasulatan na nagpapatunay na awtorisado siyang samahan ang mga inspektor ng Meralco sa Calumpit. Isa pa, hindi rin nakipag-usap man lang ang grupo sa Calumpit Police Station bago nila isinagawa ang inspeksyon. Ang mga ginawa ni PO2 Chavez na pagsaksi at pagpapatunay sa inspeksyon na ginawa sa bahay ni Gilda ay hindi legal at hindi regular niyang trabaho. Isa siyang pulis ng Caloocan at hindi ng Bulacan. Maaari lamang kumilos ang mga pulis sa lugar kung saan sila nakatalaga o sa kanya-kanyang teritoryo nila.
Nararapat lamang na mabayad ang Meralco kay Gilda ng danyos at bayad sa abogado. (Manila Electric Company vs. Vda. De Santiago, G.R. 170482, Sept. 4, 2009).